►Opinyon ng Malikot na Imahinasyon

Opinions, Suggestions and even Complains are well entertained. ©2009

Monday, September 13, 2010

Ang lansangan bow!



Madaming tao, parang palengke parang mall. Nag-uunahan ang mga sasakyan at nagkakarera na parang buwis buhay. Ang mga tao, lakad ng lakad. Ang iba nagkakalat at ang iba ay walang pakialam. Ung iba nga nagkakalat pa at kung di kuntento ay minsan ay dumudura pa.

Lubak lubak, bato bato at unti unti ang progreso. Nakakalungkot dahil pinagkakaperahan pa ng mga nasa lipunan na mapagsamantala. Kamot ulo nalang si mamang driver kapag nalubak at nahulog ang mga barya na pupulutin ni batang paslit na maagang natuto sa sistemang manhid.

Ginagawang parking lot ang mga lansangan kaya naman buhol buhol hanggang sa tarangkahan. Burado ang mga pedestrian at maging mga aso at palaka ay napipipi at nasasagasaan. Wangwang dati, ngayon naman ay palakasan ng buga ng tambutso at pahangasan ng nakakasilaw na ilaw na nakakadisgrasya kay Totoy LABO!

Ang mga traffic light ay pundido pa, at ang mga dyip ay lumilipad na talaga. Mga bus ay nagkakarambola at mga fx ay nagpapayabangan sa pintura. Si MRT at LRT nalang ang piping saksi sa mga nangyayari sa lansangan na hindi masolusyunan, at malabong pang masolusyunan sa kawalan ng disiplina ng bawat isa na gumagamit at dumadaan.

Walang helmet ang nagmomotor at puro porma, ang kulang nalang yata ay makipagkarera nadin ang mga bisikleta para IN nadin sila. Lansangang kaysikip, pilit paring pinagwawalang bahala dahil sa nakagawian ng mga dumadaan. Minsan nga naisip ko na kung meron na dapat baguhin sa umpisa ay ang ating mga kalsada dahil dito natin nakikita kung tayo nga ba ay may disiplina.

May mga traffic sign nga wala namang sumusunod, may tawiran nga hindi naman gingamit at kung saan peligroso ay tinataya maging buhay ng batang paslit. May batas pero walang aksyon, may naninita pero kulang sa inpormasyon at may mga tao na walang pakialam sa mundo na kung tutuusin ay sila rin ang makikinabang sa pag sasaayos ng lansangan at trapiko.

Nalilito, nalilito, nahihilo, nahihilo na ako sa lansangan natin na kay gulo. Naniniwala ako na maayos parin ito sa panahon na ang disiplina ay bumalik at mapatawad ang mga sadyang walang pagnanais na gamitin at lumagay sa daang tahimik.